May dalawang posibleng kahulugan umano ang pagturing na “honest mistake” sa pagkakasama ng GenCorp Industries Inc. sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Ito ang naging reaksiyon ni Lacson sa pahayag ni dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo na maaaring nagkaroon lamang umano ng hindi sinasadyang pagkakamali ang Bise Presidente sa pagdedeklara ng GenCorp sa kaniyang SALN.
Inilarawan ng senador bilang “double-edged sword” ang ganitong paliwanag.
Ayon kay Lacson, maaaring ang pagkakamali ay hindi sinasadya ngunit naglantad naman ng katotohanan. Maaari rin aniyang tunay na hindi namalayan ng isang tao na itinuturing nitong totoo ang isang bagay na hindi naman pala.
Aniya, ang taong sangkot lamang ang makapagsasabi kung alin sa dalawang ito ang tunay na nangyari.
Matatandaang naging usapin sa impeachment trial ang pagkakasama ng GenCorp sa SALN ni Duterte matapos kuwestiyunin ang kaniyang kaugnayan sa naturang kumpanya.















