Naniniwala si Deputy Speaker Representative Janette Garin, na natutumbok na umano ng prosekusyon panel ang mga alegasyon ng unexplained wealth o ang hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte, na may kaugnayan sa Article II ng impeachment case. Ito ay kasunod ng mga hindi nagtutugmang halaga sa mga rekord ng bangko, kita ng mga negosyo, at deklarasyon ng yaman na tinalakay sa impeachment trial.
Ayon kay Garin, kabilang sa mga dapat maipaliwanag ang pagkakaiba sa idineklarang sales ng CALE88 Foods Corporation at sa kabuuang perang umano’y pumasok sa kumpanya.
Matatandaang batay sa mga numerong binanggit ng mga testimonya sa impeachment court, nasa mahigit P208 milyon pesos umano ang idineklarang sales ng kumpanya, samantalang umabot umano sa P776 milyon pesos ang natanggap nitong pera, kabilang ang P319 milyong sinasabing nagmula sa China.
Kung babalikan naman natin ang pagsusuri sa witness na si Forensic Financial analyst Atty. Alexander Cabrera na iniharap sa impeachment court kahapon, umabot umano sa mahigit P817 milyon ang umano’y undeclared assets at income na iniugnay sa bise presidente at sa kaniyang asawang si Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Deputy Speaker Representative Janette Garin, binigyang-diin nito, na lalo umanong lumilinaw ang mga katanungan tungkol sa pinansiyal na rekord ng pangalawang pangulo at dapat umanong maipaliwanag kung bakit hindi nagtutugma ang mga halagang ito at kung paano ito naitala sa mga kaukulang dokumento.
Samantala, matapos alisin ng prosecution panel sa Impeachment Case ang Article III o may kaugnayan sa Bribery, iginiit ng mambabatas na hindi kailangang mapatunayan ang lahat ng alegasyon upang magkaroon ng batayan para ma-impeach ang isang opisyal. Aniya, malinaw at klarong-klaro na umano ang mga dokumento na iniharap ng prosekusyon para mapatunayan ito.
Gayunman, ang mga halagang binanggit sa impeachment court ay bahagi pa rin ng mga alegasyon. Nasa Senate impeachment court ang pagpapasya sa bigat ng mga ebidensiya at kung sapat ang mga ito upang patunayan ang mga paratang laban sa pangalawang pangulo.
















