Idineklara ni Mayor Jasper Que noong Miyerkules, Pebrero 4, ang buong bayan ng Bongao sa ilalim ng State of Calamity matapos masunog ang halos 1,000 bahay sa isang residential area noong Martes, Pebrero 3.
Ayon sa ulat, 690 pamilya ang nawalan ng tirahan, ngunit walang naiulat na nasawi o nasugatan.
Aabot naman sa kabuuang P17.5 million ang pinsala para sa mga pribadong pag-aari at P18 million para sa pampublikong ari-arian.
Batay sa municipal resolution, 30% ng Quick-Response Fund (QRF) ng bayan ang ilalaan upang tulungan ang mga apektadong pamilya.
Samantala, sinabi ni Fire Inspector Wagner Kamlian, acting Municipal Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection Bongao Central Fire Station, na patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.
“The fire investigation is still ongoing so that we can have accurate data on the total damages and the actual cause of fire,” ani Kamlian.
Sa mga hiwalay na ulat ng Bongao local government unit, ng tanggapan ni Tawi-Tawi Gov. Ysmael Sali at ni Bangsamoro Social Services Minister Raissa Jajurie, nasa evacuation sites na ang mga residente ng Barangay Lamion na nawalan ng mga tahanan dahil sa sunog, ilan sa kanila ay nasa campus ng Mindanao State University.
















