-- Advertisements --

Nagdeklara na ng State of Local Emergency ang bayan ng Bongao sa lalawigan ng Tawi-Tawi dahil sa matinding kakulangan ng suplay ng gasolina at diesel.

Batay sa Executive Order No. 22 na nilagdaan ni Mayor Jasper Que, kasalukuyang nakararanas ang bayan ng “critical shortage” ng fuel bunsod ng kawalan ng mapagkukunan ng suplay.

Dahil dito, naapektuhan ang transportasyon, pangingisda, paghahatid ng mga pangunahing bilihin, at ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng mahahalagang serbisyo ng pamahalaan.

Ayon sa kautusan, nagdudulot ang krisis ng seryosong banta sa kapakanan ng publiko at katatagan ng ekonomiya, lalo na sa mga maliliit na mangingisda, arawang manggagawa, at mga transport operator na lubhang naaapektuhan.

Sa ilalim ng deklarasyon, pinahihintulutan ang paggamit ng pondo para sa kalamidad at ang agarang pagpapatupad ng mga hakbang upang matugunan ang sitwasyon.

Samantala, iniuugnay ang kakulangan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng US-Iran conflict, na nakaapekto sa galaw ng mga produktong petrolyo.