-- Advertisements --

Pinaigting ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pakikipag-ugnayan nito sa transport network companies (TNCs) para sa susunod na rollout ng cash assistance sa transport at delivery drivers na nakatakda sa Mayo 13, 2026.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, inatasan ang mga kumpanya na isumite ang kanilang final payout plans, kabilang ang venues at iskedyul, noong Mayo 5 bilang paghahanda sa distribusyon.

Upang maiwasan ang siksikan, nilimitahan ang payout sa humigit-kumulang 10,000 benepisyaryo kada araw, na ipatutupad sa pamamagitan ng staggered scheduling depende sa dami ng drivers bawat kumpanya.

Sa ilalim ng kasunduan, ang DSWD ang mangangasiwa sa distribusyon ng pondo sa pamamagitan ng mga paymaster, habang ang TNCs ang bahala sa logistics gaya ng pagpili ng lugar, pag-aayos ng iskedyul, at koordinasyon sa mga driver.

Iginiit ni Gatchalian na dapat mas maging aktibo ang mga kumpanya sa proseso, sa halip na umasa lamang sa gobyerno.

Nauna nang inamin ng DSWD na nakatanggap ito ng tinatawag na “junk list” mula sa ilang TNCs dahil sa mga error sa datos tulad ng duplicate entries, maling detalye, at hindi tugmang impormasyon, na nagdulot ng pagkaantala sa beripikasyon ng mga benepisyaryo.

Ayon naman kay DSWD Crisis Intervention Program Director Edwin Morata, maglalagay ang ahensya ng mga tauhan sa payout sites upang agad na matugunan ang anumang discrepancies sa listahan sa mismong araw ng distribusyon.

Ang cash aid ay bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, kung saan makakatanggap ng P5,000 ang mga kwalipikadong driver bilang tulong sa epekto ng tumataas na presyo ng gasolina.