Nakatakdang mamahagi ng P10,000 bilang financial aid at family food packs ang Department of Social Welfare and Development sa mga apektadong food stalls at tindero sa napipintong ASEAN Summit sa susunod na linggo.
Matatandaang pansamantalang ipinasara ang ilang mga food stalls sa Pasay at Parañaque bilang bahagi ng security measures habang nagpapatuloy ang naturang ASEAN summit.
Ayon sa inilabas na statement ni Social Welfare Secretary Rex Gatachalian kanilang siniguro na makapagbigay sila ng agarang tulong para sa mga maaapektuhang food stall owners sa Pasay City at Parañaque City.
Dagdag pa ni Gatchalian na humihingi sila ng paumanhin sa mga Pilipinong apektado ng pansamantalang pagsasara.
“Humihingi kami ng paumanhin sa lahat ng mga vendors, karinderya, eateries na naaapektuhan ng ASEAN summit. Hindi namin gusto ‘yung nangyari pero dahil sa security arrangements ng iba’t-ibang mga pinuno na darating, talagang kinakailangan muna nating pansamantalang i-stop ‘yung operations,” ani Gatchalian.
Binigyang diin din ni Gatchalian na kahit pa malaki ang gagampanan ng ASEAN summit sa Pilipinas, importante pa ring bigyang pansin at prayoridad ang kabuhayan ng bawat mamamayang Pilipino.
“Ang ASEAN summit po napakaimportante niyan para sa ating bansa, napaka-importante sa ating lahat. Pero alam rin namin na mas importante ho ‘yung hanapbuhay n’yo. Importante ho kayo sa’min, importante ho kayo sa Presidente kaya nandito kami para magdala ng tulong sa mga vendors na affected,” dagdad pa ni DSWD Secretary Gatchalian.
Samantala, ayon pa sa kagawaran na kanilang sinimulan na ang pagbibigay ng payout sa mga may-ari ng food stall noong Linggo.
Ayon pa kay Gatchalian, inaasahan nilang makukumpleto na ngayong Biyernes ang pamimigay ng financial aid, at kinakailangang assistance ng mga tindero at pamilya bago magsimula ang summit.
Sa ngayon 30 establisyimento na ang nakatanggap ng P10,000. Habang aabot naman sa 1,300 na mga tindero ang makatatanggap ng tulong pinansyal bukas, araw ng Biyernes.














