Nagkaisa ang Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF), kasama ang iba’t ibang health professional, upang isulong ang pagpapataas ng excise tax sa mga produktong may mataas na nilalamang nakakaadik at matatamis na inumin.
Partikular na tinutukoy sa panukalang ito ang mga inuming may alkohol, tabako, pati na rin ang mga sugar-sweetened beverages na direktang nakakaapekto sa kalusugan ng publiko.
Ayon kay Dr. Paul Filomeno, isang Recovery medicine specialist layunin nitong maprotektahan at mapabuti ang kalusugan ng bawat Pilipino habang lumilikha ng karagdagang pondo na gagamitin upang mas mapalakas ang mga serbisyong pangkalusugan sa bansa.
Ipinunto rin ni Filomeno na ang karagdagang pondo mula sa mga buwis na ito ay magsisilbing mahalagang suporta upang mas mabilis na maisakatuparan at mapondohan ang mga layunin ng Universal Health Care Act.
Sa kasalukuyan, sumasailalim na sa iba’t ibang pagdinig at deliberasyon sa Kongreso ang panukalang ito, kung saan target ng mga mambabatas na matapos ito sa lalong madaling panahon ngayong taon.
Naninindigan ang mga health professional na ang pagpasa sa naturang panukala ay isang mahalagang hakbang upang maprotektahan ang kinabukasan ng mga kabataan laban sa mga pinsalang dulot ng maagang pagkonsumo ng mga naturang produkto.














