Umabot na sa 114 ang mga Universal Health Care – Integration Sites (UHC-IS) sa buong bansa ngayong 2026, mas mataas kumpara sa 58 noong 2020. Sumasaklaw na ito sa 95% ng kabuuang bilang ng mga probinsya, highly urbanized cities, at independent component cities.
Sa ilalim ng UHC-IS, pinagbubuklod ang iba’t ibang pasilidad tulad ng mga health center at ospital upang gawing mas mabilis, maayos, at abot-kaya ang paghahatid ng serbisyong medikal para sa bawat mamamayan.
Binigyang-diin ni DOH Secretary Edwin Mercado ang mahalagang papel ng mga Local Government Unit (LGU) sa pangunguna at pagpapasya kung paano higit na mapalalakas ang primary care sa kani-kanilang nasasakupan.
Kasabay nito, pinagtuunan din ng pansin ng PhilHealth, World Health Organization (WHO), at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ang pagpapatibay ng devolved health care.
Itinataguyod ng hakbanging ito ang mas matatag na local health system sa pamamagitan ng primary healthcare, preventive care, maayos na referral networks, at mas pinagbuting pamamahala sa mga pasilidad.
Patuloy ang pagsulong ng UHC sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos tungo sa isang mas responsive at matatag na sistemang pangkalusugan para sa mga Pilipino.














