Nagbabala ang Department of Health at Bureau of Quarantine sa publiko kasunod ng pagpapatupad ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention ng mandatory health attestation para sa lahat ng pasaherong patungong Estados Unidos.
Ang mahigpit na direktibang ito ay bunsod ng banta ng Ebola virus outbreak na dulot ng Bundibugyo virus sa Democratic Republic of the Congo.
Kailangang lagdaan at patunayan ng bawat biyahero na hindi sila nagtungo o nagkaroon ng presensya sa Democratic Republic of the Congo sa loob ng nakalipas na 21 araw bago ang kanilang flight.
Sakop din ng nasabing patakaran ang mga pasaherong dumaan o nag-transit lamang sa alinmang airport doon kahit pa hindi sila lumabas ng eroplano o umalis sa loob ng terminal premises.
Mahigpit na inaatasan ng mga awtoridad ang lahat ng international airlines na i-verify ang dokumentong ito bago mag-boarding kaya awtomatikong madi-deny ang sinumang tatangging sumunod.
Payo ng DOH at BOQ sa mga pasahero na agad na makipag-ugnayan sa airline para sa kinakailangang dokumento at maging tapat sa pagdedeklara ng travel history habang nananatili ang kanilang 24/7 monitoring sa mga paliparan.














