Inilunsad ng Department of Health – Treatment and Rehabilitation Center (DOH-TRC) Bataan, katuwang ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Orani, ang kauna-unahang jail-based drug rehabilitation program sa bansa na naglalayong matulungan ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL).
Sa ilalim ng programa, 24 PDL na may mga malubhang kaso ng paggamit ng droga ang kasalukuyang sumasailalim sa komprehensibong rehabilitasyon sa loob ng pasilidad ng BJMP Orani na dinesenyo ayon sa mga itinakdang pamantayan ng DOH.
Nagbibigay ang programa ng iba’t ibang serbisyo tulad ng psychosocial, medical, at dental assessment, pati na rin ang family-centered interventions, individualized treatment, at livelihood support para sa mga kalahok.
Binibigyang-diin din ng programa ang kahalagahan ng aftercare, monitoring, at community reintegration upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbabago at maayos na pagbabalik sa normal na pamumuhay ng mga PDL paglabas ng kulungan.
Bilang bahagi ng pagpapalawak, pinaplano na rin ng DOH-TRC Bataan ang pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad para matugunan ang pangangailangan ng mga “special population,” kabilang ang mga kababaihan, kabataang lumabag sa batas, at miyembro ng LGBTQIAP+ community.
Isinusulong ang hakbang na ito sa ilalim ng Unified National Agenda for Health upang direktang maihatid ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipinong nasa loob ng kulungan, na kinikilala ang kanilang karapatan na mabigyan ng maayos na kalinga at rehabilitasyon.














