Kinilala sa internasyonal na eksena ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa patuloy nitong dedikasyon sa paggamit ng kita sa lotto para sa pampublikong kapakanan at mga charitable program.
Sa gitna ng ginaganap na World Lottery Summit (WLS) 2026 sa International Convention Centre Sydney sa Australia, inilarawan ni World Lottery Association (WLA) President Andreas Kötter ang lotto ng Pilipinas bilang isang natatanging halimbawa ng responsible gaming at epektibong paglikha ng pondo para sa kawanggawa.
“Una sa lahat, ang lotto ng Pilipinas ay isang perpektong halimbawa ng paggawa ng mabuti, paglikha ng pondo para sa magagandang layunin, at pagkakaroon ng natatanging profile bilang isang lottery agency,” pahayag ni Kötter.
Ang naturang pagkilala ay nagpapatibay sa matagumpay na pagtupad ng PCSO sa mandato nitong magbigay ng tulong-pinansyal at serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino sa buong bansa sa pamamagitan ng kanilang lottery operations.
Buong-puso namang tinanggap ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles—na naitalaga rin bilang Vice Chairman ng Asia Pacific Lottery Association (APLA) noong Setyembre 2026—ang papuri ng WLA.
“Para sa PCSO, ang tunay na sukatan ng aming tagumpay ay hindi lamang kung gaano kalaki ang kitang aming nagagawa, kundi kung gaano karaming Pilipino ang aming natutulungan,” pahayag ni Robles.
“Bawat piso na napupunta sa aming mga charitable program ay kumakatawan sa pagkakataong makapagbigay ng tulong-medikal, suporta sa mga komunidad, at makagawa ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Nagpaabot din si Kötter ng pasasalamat sa aktibong pakikilahok ng delegasyon ng Pilipinas sa summit, kung saan binigyang-diin niya ang matatag na commitment ng bansa sa pandaigdigang komunidad ng lottery. Inalala rin nito ang naging pagbisita ng WLA Executive Committee sa Maynila, kung saan personal nilang naranasan ang hospitality ng mga Pilipino at nakita ang kahalagahan ng lotto sa bansa.
Ang World Lottery Summit 2026, na nagpapatuloy mula Nobyembre 9 hanggang 12, ay nagtitipon ng mga lider at kinatawan ng lottery mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang talakayin ang responsible gaming, makabagong imbesyon sa industriya, at ang mahalagang papel ng lotto sa pagtataguyod ng lipunan.








