-- Advertisements --

Nagsagawa ng ocular inspection ang Sandiganbayan Third Division sa Quezon City Male Dormitory kung saan nakadetine si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng kinakaharap nitong P7.44-billion plunder case o kasong pandarambong na may kaugnayan sa mga government infrastructure project.

Kabilang sa mga nagtungo sa pasilidad sina Associate Justices Karl Miranda at Fritz Bryan Anthony Makasiar Delos Santos. Layunin ng inspeksyon na matukoy kung sumusunod ang detention facility sa mga itinakdang kondisyon sa kautusan ng korte noong Setyembre 10.

Matatandaang nag-ugat ang inspeksyon sa pahayag ng kolumnistang si Ramon Tulfo na umano’y nakalalabas si Romualdez sa detention facility sakay ng ambulansya anumang oras na naisin nito.

Gayunman, wala pang inilalabas na konklusyon ang korte kaugnay ng mga naturang alegasyon o sa anumang naging kilos ng mga taong sangkot.

Samantala, nagpahayag din si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsasagawa siya ng surprise visit sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), kasunod ng impormasyong mayroong assistant si Romualdez sa loob ng detention facility.