Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa Kongreso na ipasa ang mas pinaigting na sin tax reform upang maprotektahan ang kalusugan at kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino laban sa mga nakakaalarmang sakit.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga sin products ay mabisang paraan para mapababa ang pagkonsumo nito, maiwasan ang maagang pagkamatay, at makatutulong din na masuportahan ang pondo para sa Universal Health Care (UHC).
Batay sa datos ng DOH, higit sa 95,000 buhay ang nawawala taon-taon dahil sa paggamit ng tabako, habang humigit-kumulang 27,000 naman ang namamatay dahil sa labis na pag-inom ng alak.
Bukod dito, halos 4,000 pang pagkamatay ang iniuugnay sa pagkonsumo ng mga inuming mataas sa asukal.
Ayon sa kagawaran, sa bawat sampung Pilipinong namamatay, pito ang binabawian ng buhay dahil sa noncommunicable diseases (NCDs) o mga sakit na hindi nakakahawa. Ang mas nakakabahala pa rito, marami sa mga nasabing pagkamatay ay maaari sanang maiwasan.















