Inalala ang buhay at naging ambag sa serbisyo publiko ni dating Camarines Norte Governor Casimiro “Roy” Aquino Padilla Jr., na isinilang noong Disyembre 13, 1948 sa Maynila at kapatid sa ama ni Senador Robinhood Padilla.
Pumasok sa larangan ng politika ang anak nina dating Governor Casimiro Padilla Sr. at Loreta Aquino matapos ang asasinasyon sa kaniyang ama noong Enero 1988, kung saan pinangunahan niya ang lalawigan bilang gobernador mula 1988 hanggang 1998 at kalaunan ay bilang bise gobernador.
Nagsilbi rin siya bilang kinatawan ng lone district ng Camarines Norte sa Mababang Kapulungan ng Kongreso mula 1998 hanggang 2001.
Sa kaniyang panunungkulan sa Kongreso, naging kontrobersyal ang kaniyang mga inihaing panukalang batas upang gawing legal ang diborsyo at aborsyon sa bansa, bagaman hindi ang mga ito tuluyang naging batas.
Bukod dito, isinulong din niya ang paggamit ng wikang Tagalog sa mga opisyal na pagsulat sa lalawigan at ang pagpapalit ng pangalan ng Camarines Norte bilang “Hilagang Kamarines.”
Naiwan ng dating mambabatas ang isang makulay at markadong pampolitikang kasaysayan sa buong lalawigan at sa rehiyon ng Bicol.
















