-- Advertisements --

Itinaas ng National Food Authority (NFA) sa P28 kada kilo ang presyo ng pagbili ng malinis at magandang tuyong palay sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Camarines Norte simula noong Oktubre 5 hanggang 11.

Layunin ng nasabing hakbang na dagdagan ang kinikita ng mga lokal na magsasaka at hikayatin silang sa NFA na lamang ibenta ang kaniyang mga ani sa halip na sa mga pribadong komersyante.

Ang adjustment na ito sa presyo ay bahagi ng maagang paghahanda ng ahensya sa posibleng epekto ng El Niño na inaasahang magpapadala ng tuyong panahon at maaaring magpababa sa pangkalahatang produksyon ng palay at bigas sa bansa.

Sa kasalukuyan, may target ang ahensya na makabili ng hanggang 450,000 sako ng palay sa rehiyon, habang mayroon pa itong umiiral na imbentaryo na nasa 470,000 sako na nakatabi sa mga bodega sa dalawang lalawigan.

Samantala, upang hindi maapektuhan ang mga mamimili, ipagpapatuloy pa rin ang pagbebenta ng murang bigas sa presyong P20 kada kilo sa mga piling pamilihan upang mapanatiling abot-kaya ang pagkain ng mamamayan sa kabila ng banta ng kalamidad.