-- Advertisements --

Patuloy na binabantayan ng Philippine Red Cross (PRC) ang malawakang pagbaha at landslide sa lalawigan ngayong Pebrero 8, 2026, bunsod ng Shearline.

Nanatiling hindi madaanan ang spillway patungong Dugui Too, habang limitado lamang sa light vehicles ang pagdaan sa Danicop spillway. Pinapayuhan ang publiko ng matinding pag-iingat dahil sa patuloy na pag-apaw ng Bato River.

Sa bayan ng Hinipan, Bagamanoc, naitala ang pagbaha na umabot hanggang bewang. Samantala, hanggang tuhod ang tubig sa Rizal (Viga), Camburo (Caramoran), at Biong (Gigmoto). Mababa ngunit patuloy na pagbaha rin ang nararanasan sa Panganiban, Pandan, Bato, Virac, at Gogon Centro.

Nagkaroon ng mga landslide na nagdulot ng pagharang o limitadong daanan sa ilang bahagi ng Viga, San Miguel, Pandan, Caramoran, at Panganiban. Kasalukuyan ding isinasagawa ang search and verification para sa isang taong naiulat na nawawala sa Obo, San Miguel.

Nakahanda ang mga Search and Rescue at Ambulance teams na nakikipag-ugnayan sa LDRRMO at RC 143 volunteers. Muling pinaalalahanan ang publiko na unahin ang kaligtasan at iwasang tumawid sa mga binahang lugar. Para sa mga emergency, agad na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Red Cross chapter.

Bukod sa Catanduanes, naapektuhan din ng pagbaha ang ilang bayan sa Camarines Norte gaya ng Daet, Basud, Labo, San Vicente, Vinzons, Talisay, San Lorenzo, Mercedes, at iba pang karatig na lugar.