Sinuspinde ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribado ng paaralan, ngayong Lunes, Hulyo 6, 2026.
Ang suspensyon ay isang “precautionary measure” dahil sa umano’y banta sa seguridad na may kaugnayan sa mga paaralan.
Sinabi ng mga awtoridad na ginagawa nila ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro, at school personnel habang iniimbestigahan pa ang sitwasyon.
Dagdag pa sa abiso, maaaring gamitin ng mga residente ang araw na ito upang maghanda sa posibleng pagdating ng Super Typhoon Inday, na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa Miyerkules.
Sa ngayon, ang isang malakas na bagyong may international name na Bavi ay nasa labas pa ng PAR at tinatayang nasa mahigit 2,000 kilometro ang layo sa silangang bahagi ng Luzon.
Samantala, patuloy ang pagtuon ng mga awtoridad sa kaligtasan ng mga paaralan kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng iba pa.














