Suspendido ang mga klase ngayong Lunes, Setyembre 21, 2026, sa iba’t ibang rehiyon sa bansa kaugnay ng paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, habang ang ilan ay may iba ring mga lokal na rason.
Sa Lungsod ng Maynila, ipinag-utos ang suspensyon ng face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pampribadong paaralan, kung saan inatasan ang mga estudyante na lumipat muna sa Alternative Delivery Mode (ADM).
Sa lalawigan ng Cebu, walang ginanap na pisikal na klase sa buong lalawigan kasama ang Mandaue City, Minglanilla, Consolacion, at Liloan, habang sinuspinde naman sa Cebu City at Talisay City ang mga klase sa pampublikong paaralan dahil sa “acutely unhealthy” na Air Quality Index (AQI).
Samantala, idineklara rin ang walang klase sa Banga at Surallah sa South Cotabato bilang pambawi at pag-iingat kasunod ng naganap na pamamaril sa Banga National High School.
Kabilang din sa mga nagkansela ng face-to-face classes at lumipat sa modular distance learning ang mga bayan ng Lebak at Palimbang sa lalawigan ng Sultan Kudarat sa lahat ng antas.
Ipinapayo ng mga lokal na pamahalaan sa mga mag-aaral at magulang na mag-abang sa mga susunod na opisyal na anunsyo ukol sa pagbabalik ng regular na klase.
















