Naglabas ng kautusan ang Sandiganbayan para sa 90-araw na preventive suspension laban kay Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng mga nakabinbing kaso laban sa kaniya sa anti-graft court.
Ayon sa resolusyong inilabas ng hukuman, ang preventive suspension ay isang pamantayang hakbang sa ilalim ng Republic Act No. 3019 o Section 13 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Nilinaw ng Sandiganbayan na ang suspension ay hindi isang parusa o pinal na hatol sa kaso, kundi isang probisyon ng batas upang matiyak na hindi magagamit ng sinumang opisyal ang kaniyang posisyon habang nagpapatuloy ang pagdinig.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, pansamantalang matitigil ang pagtupad ni Romualdez sa kaniyang mga tungkulin bilang kinatawan ng Leyte at iba pang opisyal na gawaing may kaugnayan sa kaniyang tanggapan sa House of Representatives sa loob ng tatlong buwan.
Ipinadala na ng Sandiganbayan ang kopya ng utos sa Kapulungan ng mga Kinatawan upang agad na maipatupad ang preventive suspension.
Samantala, inihayag ng kampo ng mambabatas na iginagalang nila ang proseso ng batas ngunit nakatakda silang maghain ng mga kaukulang legal na hakbang o motion for reconsideration hinggil sa nasabing direktiba ng hukuman.














