Bunga ng inaasahang patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng Habagat, naglabas ang Malacañang ng Memorandum Circular No. 133 na nag-uutos ng alternative work arrangements sa mga tanggapan ng pamahalaan sa 15 lalawigan sa Luzon ngayong Martes, Setyembre 1, 2026.
Kabilang sa mga sakop ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Kalinga, Mountain Province, Apayao, Batanes, Nueva Vizcaya, Zambales, Tarlac, Pampanga at Bataan.
Samantala, ipatutupad naman sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa mga nabanggit na lugar ang alternative learning modes at learning continuity measures sa lahat ng antas, maliban kung may ibang ipag-utos ang kani-kanilang local chief executive.
Ayon sa Malacañang, isinagawa ang hakbang kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at problema sa daloy ng trapiko.
Gayunman, magpapatuloy ang operasyon ng mga ahensiyang nagbibigay ng basic at health services, disaster preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Para naman sa pribadong sektor, nasa pamunuan ng bawat kumpanya o tanggapan ang pagpapasya kung magsususpinde ng trabaho o magpapatupad ng alternative work arrangements.
Maaari ring magpatupad ang mga local chief executive ng localized suspension o cancellation ng klase at trabaho sa mga lugar na hindi saklaw ng memorandum, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
















