-- Advertisements --

Naisilbi na ang dismissal order laban kina Urdaneta City Mayor Julio Parayno III, Vice Mayor Jimmy Parayno, at anim na konsehal matapos ilabas ng Office of the Ombudsman ang 21-pahinang consolidated decision kaugnay ng kasong administratibo laban sa kanila.

Batay sa desisyon, napatunayang may administratibong pananagutan sa kasong Grave Misconduct sina Mayor Parayno III at Vice Mayor Parayno, habang Gross Neglect of Duty naman ang ipinataw sa anim na konsehal na sina Franco Paolo San Juan Del Prado, Warren Dela Cruz Andrada, Aurelio Agsalud, Franklin Villanueva, Jhan Hero Sumera, at Alfonso Miguel Manuel Del Prado.

Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, ipinataw rin sa mga dating opisyal ang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon sa pamahalaan, kanselasyon ng civil service eligibility, at pagkawala ng karapatan sa kanilang retirement benefits.

Kasunod ng pagpapatupad ng kautusan, nanumpa at umupo na sa kani-kanilang mga bagong tungkulin sina Blesildo Sumera bilang bagong alkalde at Rio Virgilio Esteves bilang bise alkalde ng Urdaneta City.

Ikinatuwa naman ng complainant sa kaso na si dating Konsehal Michael Brian Perez, dating pangulo ng Liga ng mga Barangay sa lungsod, ang naging pasya ng Ombudsman sa usaping nag-ugat pa noong taong 2022.

Binigyang-diin ni Perez na ginawa niya ang paghahain ng reklamo upang maresolba ang mga isyung pampamahalaan at maipaglaban ang kapakanan ng mga residente at tagasuporta sa Urdaneta City.