-- Advertisements --

Bahagyang bumaba ang average farmgate price ng palay sa bansa nitong Setyembre kumpara noong buwan ng Agosto, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa datos ng PSA, umabot lamang sa P20.84 kada kilo ang average farmgate price ng palay noong nakalipas na buwan. Ito ay bahagyang mas mababa kumpara sa P22.16 kada kilo noong Agosto.

Sa kabila nito, sinabi ng ahensiya na nananatiling positibo ang year-on-year growth sa average farmgate price ng palay sa bansa nitong Setyembre.

Lumalabas kasi sa record ng ahensiya na mas mataas pa rin ang farmgate price ng palay nitong Setyembre 2026 ng 33.6% kumpara noong September 2025.

Sa naturang taon ay umaabot lamang sa P15.60 kada kilo ang farmgate price o P5.24 na mas mababa kumpara ngayong taon.

Sa kabilang banda, ang Central Visayas ang nakapagtala ng pinakamataas na farmgate price sa buong Pilipinas sa nakalipas na buwan. Umaabot ito ng 24.60 kada kilo.

Pinakamababa naman ang presyuhan sa MIMAROPA na umaabot lamang sa sa P18.85 kada kilo.