-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Federation of Free Farmers (FFF) sa planong pag-aangkat ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) ng 100,000 metriko toneladang bigas mula sa Estados Unidos.

Ayon kay FFF Chairman Leonardo Montemayor, ang karagdagang suplay ng imported na bigas ay maaaring magdulot ng panibagong pagbagsak sa presyo ng lokal na palay lalo’t kasalukuyang panahon ng anihan sa bansa.

Ipinaliwanag ni Montemayor na karamihan sa mga miyembro ng PRISM ay mga negosyante sa industriya ng bigas kabilang ang mga importer at rice miller na may sariling interes sa merkado.

Binigyang-diin din ng grupo ang limitadong tulong ng pamahalaan para sa mga magsasaka na tinatayang nasa P6 bilyon lamang para sa humigit-kumulang 300,000 benepisyaryo.

Dahil dito, nanawagan ang FFF na palakasin ang lokal na produksyon at tiyakin ang tamang panahon ng pag-aangkat upang maprotektahan ang kita ng mga lokal na magsasaka.

Hinihimok din ng grupo ang patuloy na pagsubaybay sa presyo ng palay at bigas upang maging patas ang kita ng mga producer habang nananatiling makatuwiran ang presyo para sa mga mamimili.