-- Advertisements --

Pinatawan ng sanction ng pamahalaan ng Tsina ang communications minister ng Paraguay na si Gustavo Villate at foreign minister ng Belize na si Francis Fonseca dahil sa kani-kanilang pakikipag-ugnayan sa Taiwan.

Kabilang sa mga ipinatupad na parusa ng Chinese Ministry of Foreign Affairs ang pag-freeze sa kanilang mga ari-arian sa Tsina, pagbabawal sa pagpasok sa Hong Kong at Macau, at pagbabawal sa anumang transaksyon ng mga kumpanyang Tsino sa dalawang opisyal.

Inakusahan ng Beijing ang dalawang ministro ng paggawa ng mga hakbang na diumano’y nagpapasama sa pambansang soberanya at pangunahing interes ng Tsina sa pamamagitan ng pagsuporta sa Taiwan.

Isinagawa ang pagpapataw ng sanksyon dalawang araw matapos ang pagdiriwang ng National Day ng Taiwan kung saan muling pinagtibay ng Paraguay at Belize ang kanilang ugnayan sa naturang isla.

Ang Paraguay at Belize ay kabilang sa huling 12 bansa sa mundo na may pormal na ugnayang diplomatiko sa Taiwan, na patuloy namang inaangkin ng Tsina bilang sarili nitong teritoryo.