-- Advertisements --

Arestado ang 76 foreign nationals sa pagsalakay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa umano’y isang ilegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) facility nitong Martes, Oktubre 13, sa Brgy. Soccoro, Cubao, Quezon City, malapit sa AFP Headquarters Camp Aguinaldo.

Ayon sa joint operation ng AFP at BI, naabutan pa nito sa akto ang mga foreign nationals na ginagamit umano ang nasabing pasilidad sa online scamming kung saan naaresto ang 74 Chinese nationals at 2 Myanmar nationals.

Iniimbestigahan naman ng awtoridad ang pagkasangkot ng mga naarestong foreign nationals sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 123112 o ang POGO Act of 2025 at iba pang paglabag na may kinalaman sa POGO operations.

Dagdag naman ni AFP public affairs office chief Col. Xerxes Trinidad, inaalam na rin ng mga ito kung ginamit pa sa ibang aktibidad na maaari maging banta sa pambansang seguridad ang nasabing facilty.

Kasalukuyan namang sumasailalim sa paglilitis ang mga foreign nationals at maaaring ring maharap sa deportation ayon sa BI.

Sa loob ng dalawang linggo, dalawang POGO-related raid na ang ikinasa ng mga awtoridad kung saan nitong nagdaang Oktubre 2, sinalakay ng mga awtoridad ang pinaghihinalaang POGO hub sa Zamboanga Sibugay na nauwi sa pagkaaresto ng 244 foreign nationals.