-- Advertisements --

Hiniling ng International Criminal Court (ICC) prosecutors na mapabilang ang tatlong karagdagang testimoniya ng mga witness laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte.

Ito ay mahigit isang buwan bago ang inaasahang pagsisimula ng paglilitis sa kaso ng dating pangulo na crimes against humanity.

Katwiran ng prosecution, ang mga karagdagang testimoniya ay inaasahang makakatulong para maintindihan at mailatag ang umano’y ipinatupad noon na ‘polisiya’ na pinupuntirya ang mga durg suspect sa pamamagitan ng karahasan, kasama na ang murder.

Kabilang sa mga hinihiling ng prosecution ang mga testimoniya ng mga testigong kinilala lamang sa pangalang P-1370, P-1393, at P-1416.

Ang kanilang testimoniya at akmang supporting documents ay gagamitin bilang ebidensiya kapalit ng kanilang ‘live testimony’ sa korte.

Paliwanag pa ng prosecution, ang mga account ng tatlong bagong testigo ay umiikot sa kanilang kaalaman ukol sa umano’y naganap na extrajudicial killings sa Central Luzon at magagamit na patotoo sa alegasyong nakagawa nga ang dating pangulo ng crimes against humanity.

Bagaman limitado lamang ang inilalabas ng korte na detalye sa kanilang testigo, nakasaad dito na si P-1393 ay may nalalaman ukol sa pagpatay ng isang police officer sa isang lalake sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Nanindigan din ang prosecution na ang pag-admit sa mga naturang testimoniya ay hindi makaka-yurak sa karapatan ng dating presidente at maaari lamang itong kuwestyunin ng kaniyang legal team sa pag-usad ng paglilitis.