-- Advertisements --

Inihayag ng mga awtoridad sa Iran ang kanilang intensyong pigilan ang operasyon ng shuttle system na tinutulungan ng Estados Unidos at pinapatakbo ng mga Arab countries upang maglabas ng produkto sa Strait of Hormuz sa gitna ng umiiral na giyera.

Sa gitna ng naval blockade at matinding sanksyon ng Amerika, ipinahayag ni Iranian security chief Mohsen Rezaei na tahasang target na ngayon ng kanilang militar ang naturang mga sasakyang-dagat.

Isinasagawa ng US Central Command at ng militar ng United Arab Emirates ang paglilipat ng langis gamit ang maliliit na barko patungo sa mga very large crude carrier (VLCC) upang maibsan ang pandaigdigang krisis sa enerhiya.

Nagbanta rin si Rezaei na posibleng atakihin ng Iran ang mga digital infrastructure, data center, at artificial intelligence facilities na nauugnay sa Estados Unidos sa rehiyon kung muling aatakehin ang kaniyang imprastraktura.

Kaugnay nito, inakusahan ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ang ilang karatig-bansa ng pakikipagsabwatan sa Amerika habang itinuturong sanhi rin ng pinsala sa mga tanker ang mga naval mine na nakalatag sa stratehikong daanan ng tubig.

Naniniwala naman ang mga eksperto na ginagamit ng Tehran ang kontrol sa Strait of Hormuz bilang panggipit sa Washington upang tanggapin nito ang kaniyang mga kondisyon para sa pagpapatigil ng giyera.