-- Advertisements --

Pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang mental health support at mga serbisyong panggabayan sa mga paaralan sa Metro Manila kasunod ng pagkuha sa 339 bagong School Counselor Associates.

Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong personnel noong Huwebes, Oktubre 15, sa DepEd Central Office, bilang bahagi ng hakbang ng ahensya na palakasin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.

Tutulong ang mga School Counselor Associate sa pagtukoy sa pangangailangan ng mga mag-aaral, paunang pagtatasa, pagbibigay ng psychosocial support, career guidance , at pagre-refer sa mga nangangailangan ng karagdagang tulong.

Layunin din ng kanilang pagtalaga na matulungan ang mga paaralan sa pagtugon sa mga suliraning kinakaharap ng mga mag-aaral, kabilang ang bullying at iba pang hamon sa kanilang mental health.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, nilikha ang posisyon ng School Counselor Associate upang makatulong na matugunan ang kakulangan ng mga guidance professional sa mga pampublikong paaralan.