-- Advertisements --

Inakusahan ni Atty Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, ang administrasyong Marcos ng paggamit umano sa mga institusyon ng pamahalaan para sa pampulitikang pang-uusig, kasunod ng mga pahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa mga sinasabing pagkakaiba sa mga ari-ariang idineklara ng Bise Presidente sa kaniyang Statement of Assets,Liabilities and Net worth o SALN.

Ayon kay Panelo, inilabas ni NBI Director Melvin Matibag sa media ang mga sinasabing resulta ng imbestigasyon nang hindi muna partikular na ipinapaalam kay Duterte ang mga alegasyon at binibigyan siya ng pagkakataong sumagot.

Kinuwestiyon din niya ang pag-turn over ng ulat sa Office of the Ombudsman sa halip na bigyan ang Bise Presidente ng pagkakataong direktang sagutin ang mga ito.

Kinuwestiyon din ni Panelo kung bakit hindi umano isinama ng prosecution ang mga natuklasan ng NBI sa impeachment trial, kung saan maaaring masuri at kontrahin ng depensa ang mga ebidensiya.

Mariing itinanggi ni Duterte, sa pamamagitan ng kaniyang tagapagsalita, ang mga alegasyon ng hindi wastong pagdedeklara ng ari-arian.

Iginiit ni Panelo na tama at tapat na idineklara ng Bise Presidente ang kaniyang mga ari-arian at pananagutan, at handa siyang patunayan ito sa impeachment trial o sa Ombudsman kapag nabigyan ng pormal na abiso.