-- Advertisements --

Hiniling ni Education Secretary Sonny Angara ang suporta ng Senado upang maibalik at madagdagan ang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon, kabilang ang mga programang nakatuon sa pagkatuto ng mga mag-aaral, kapakanan ng mga guro, at pagpapabuti ng mga pasilidad sa paaralan.

Sa pagtalakay ng Senate Finance Committee sa panukalang 2027 budget ng ahensiya nitong Biyernes, Oktubre 16, humiling ang DepEd ng karagdagang P147.93 bilyon upang pondohan ang mga pangunahing programa at serbisyong hindi lubusang nasaklaw ng panukalang pambansang budget.

Sa ilalim ng General Appropriations Bill (GAB), nakalaan ang P969.79 bilyon para sa DepEd at mga attached agency nito, na mas mababa ng P6.17 bilyon kumpara sa orihinal na panukala sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).

Sa pagtalakay ng Senado, iminungkahi ang pagkakaroon ng hiwalay na alokasyon para sa programa upang higit na maging malinaw at transparent ang paglalaan at paggamit ng pondo.

Samantala, inaprubahan ng Senate Finance Committee ang panukalang budget ng DepEd, kalakip ang ilang kondisyon hinggil sa mga karagdagang talakayan at pagsusumite ng hinihinging dokumento.

Patuloy namang inaasahan ng DepEd ang suporta ng mga senador upang matugunan ang kakulangan sa pondo at maisakatuparan ang mga programang nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa bansa.