-- Advertisements --

Pinaigting ng Philippine Red Cross (PRC) at Department of Education (DepEd) ang kanilang pakikipag-ugnayan upang palakasin ang kaalaman sa disaster preparedness at itaguyod ang diwa ng volunteerism sa mga kabataan sa gitna ng mga banta ng kalamidad tulad ng El Niño.

Nakatutok ang naturang kolaborasyon sa pagpapalakas ng mga Red Cross Youth (RCY) club sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagsasanay sa first aid, cardiopulmonary resuscitation (CPR), at disaster risk reduction and management, kasama na ang pagtataguyod ng mental health awareness.

Binigyang-diin ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon na layunin ng hakbang na ito na lumikha ng mga mag-aaral na hindi lamang handang magligtas ng buhay kundi may kusa ring mangalaga sa kaligtasan at pangkalahatang kapakanan ng kanilang kapwa.

Ipinahayag naman ni Education Secretary Sonny Angara ang kahalagahan ng paglinang ng mga buo at responsableng mamamayan, lalo na sa panahon ng AI kung saan kinakailangang maibalik ang human touch at kultura ng pagtulong sa lipunan.

Iginiit din ni PRC Secretary-General Dr. Gwendolyn Pang na mahalaga ang papel ng RCY upang maisalin sa gawa ang mga humanitarian values at mabigyan ang kabataan ng pagkakataong linangin ang kanilang leadership skills.

Pormal na pagtitibayin ng PRC at DepEd ang alyansang ito sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa tuloy-tuloy na kooperasyon at seguridad sa mga paaralan sa buong bansa.