Inaasahang lalawak pa ang saklaw sa voucher program ng PH government sa ilalim ng bagong batas na pinirmahan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sa ilalim ng bagong batas na Republic Act No. 12327 o Basic Education Voucher Assistance Act, inaatasan ang Department of Education (DepEd) na magtakda ng halaga ng voucher batay sa kakayahan ng isang pamilya.
Sa ganitong paraan ay mas mataas ang maaaring matanggap ng mga estudyanteng mula sa poor household o yaong mga napapabilang sa mahihirap na pamilya.
Sakop din ng programa ang mga estudyanteng mula sa middle-income households.
Ang voucher program ay isang assistance program para sa mga kwalipikadong mag-aaral na magbibigay daan sa kanilang pagpasok sa pribadong paaralan upang mabigyan ng option o pagpipilian ang mga estudyante.
Kabilang sa bibigyang-prayoridad ang mga estudyante mula sa congested public schools at yaong mga nakatira sa mga lugar na walang malapit na public school.
Kasama rin dito ang mga estudyanteng walang sapat na pagpipiliang subjects o electives sa senior high school, at kailangang pumunta o mag-aral sa pribadong mga eskwelahan.
Itinatakda rin ng batas ang pagtatatag ng Bureau of Private Education. Ang naturang kawanihan ang mangangasiwa sa kalidad ng edukasyon at sa regulasyon ng mga pribadong paaralan na kasali sa voucher program.














