-- Advertisements --

Inihayag ni Prof. Renato De Castro, isang eksperto sa international relations at foreign policies, na hindi dapat balewalain ng pamahalaan ang naging pahayag kamakailan ng Chinese Embassy sa Pilipinas ukol sa patuloy na agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Matatandaang nitong Huwebes, Oktubre 15, nagbanta ang panig ng China na madali umano silang mananalo kung gugustuhin nilang gumamit ng puwersa. Gayunpaman, idinagdag din ng embahada na pinili umano nilang huwag gumamit ng dahas dahil sa kanilang pagpapahalaga sa kapayapaan.

Ayon kay De Castro panayam ng Bombo Radyo, ang ganitong tahasang pagpapahayag ay malinaw na manipestasyon ng tinatawag na “wolf warrior diplomacy.” Malayo ito sa maayos at mahinahong pamamaraan ng tradisyonal na diplomasya, dahil gumagamit ito ng mga direktang pahayag sa halip na maging pormal at diplomatiko.

Dagdag pa ng eksperto, nakabase ang ganitong estilo sa paniniwala ng China na mas malakas sila sa rehiyon, kabilang na ang pagkakaroon nila ng pinakamalaking hukbong-dagat sa dami ng naval vessels na sa kanilang tingin ay hihigit na sa US Navy.

Giit pa ni De Castro, pinalalabas ng China sa kanilang mga naratibo na ang Pilipinas ang nagiging “troublemaker” sa rehiyon. Subalit nilinaw niya na natural lamang na pumalag ang ating bansa dahil karapatan nating ipagtanggol ang teritoryo laban sa patuloy na panghihimasok.

Pinatungkulan din nito ang umano’y kasaysayan ng China na hindi nag-aatubiling gumamit ng dahas kahit pa sa mga bansang itinuturing nitong kaibigan tulad noong krisis sa India noong Oktubre 1962 at maging sa Vietnam.

Dagdag niya Sa halip na magpasindak sa mga ganitong taktika na maglalagay sa atin sa alanganin, iginiit ni De Castro na dapat patatagin ang pambansang pagkakaisa, ipakita ang katatagan, at tuluyang palakasin ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.