Suportado ni Education Secretary Sonny Angara ang pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga menor de edad, basta’t hindi kasama sa restriksiyon ang mga application na mahalaga sa pag-aaral at iba pang kapaki-pakinabang na gawain.
Ayon kay Angara, maaaring magpatupad ng pangkalahatang pagbabawal sa social media para sa mga bata, habang pinapayagan ang mga application na ginagamit sa pag-aaral.
Kasunod ito ng pagsusulong ng pamahalaan ng mas mahigpit na hakbang upang maprotektahan ang mga mag-aaral, lalo na sa gitna ng mga naitalang nakamamatay na insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan.
Matatandaang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong Oktubre 8 ang panukalang nagbabawal sa mga batang wala pang 16 anyos na gumamit ng mga saklaw na social media platform.
Umusad din sa Kamara ang hiwalay na panukala na nagtatakda naman ng 13 anyos bilang minimum age para makagamit ng social media.













