-- Advertisements --

Nakatakdang sumailalim sa yellow alert ang Visayas Grid ngayong Sabado, Oktubre 17, mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi, dahil sa limitadong suplay ng kuryente at reserbang kapasidad ng grid.

Batay sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), naitala sa 2,511 megawatts ang available capacity ng Visayas Grid, habang nasa 2,362 megawatts naman ang inaasahang peak demand.

Kabilang sa mga dahilan ng pagdedeklara ng yellow alert ang hindi operasyon ng malalaking coal-fired power plant na PEDC 3 at KSPC 1, gayundin ang nakatakdang maintenance ng Mindanao-Visayas Interconnection Line 2.

Sa datos ng NGCP, may limang planta na nakaranas ng forced outage ngayong Oktubre, habang 16 pang planta ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad.

Dahil dito, umabot sa kabuuang 662.4 megawatts ang hindi magagamit na kapasidad ng mga planta sa grid.

Ipinaliwanag ng NGCP na ipinaiiral ang yellow alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang kinakailangang reserba ng transmission grid sakaling magkaroon ng biglaang aberya sa suplay.