Nakatakdang isailalim sa yellow alert ang Visayas grid ngayong Huwebes, Oktubre 15, mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi dahil sa kakulangan ng magagamit na suplay ng kuryente.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), kabilang sa mga dahilan ng pagdedeklara ng alerto ang hindi pagkakaroon ng operasyon ng malalaking coal-fired power plant na PEDC Unit 3 at KSPC Unit 1.
Nakaapekto rin sa suplay ang limitadong pag-angkat ng kuryente mula sa Mindanao grid dahil sa hindi planadong pagkawala ng operasyon ng FDC Unit 3 at nakatakdang maintenance ng GNPK Unit 4 at TSI Unit 2.
Batay sa datos ng NGCP, nasa 2,557 megawatts ang available capacity ng Visayas grid, habang umaabot sa 2,479 megawatts ang inaasahang peak demand.
Dahil sa mga plant outage at mga planta na tumatakbo sa mas mababang kapasidad, kabuuang 645.6 megawatts ng kapasidad ang hindi magagamit sa grid.
Ang yellow alert ay idinedeklara kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang kinakailangang reserba ng transmission grid sakaling magkaroon ng biglaang aberya.
















