Hindi basta gigibain ng Department of Education (DepEd) ang mga silid-aralan na aabot na sa 50 taong gulang, sa halip ay susuriin muna ang kondisyon ng mga ito upang malaman kung maaari pang kumpunihin at gamitin.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kung matibay pa ang pundasyon ng isang classroom, isasailalim muna ito sa masusing pagsusuri upang matukoy ang mga kailangang pagkukumpuni bago magpasya kung dapat na itong gibain.
Nasa 51,222 silid-aralan ang aabot sa 50 taong gulang pagsapit ng 2028, ayon yan sa Second Congressional Commission on Education.
Ayon sa DepEd, gagamitin nitong batayan ang aktuwal na kondisyon ng bawat gusali sa paglalaan ng pondo para sa maintenance, pagkukumpuni o pagpapalit ng mga pasilidad.
Target din ng kagawaran na magpalit ng mahigit 18,000 silid-aralan kada taon mula 2026 hanggang 2030.














