Unexplained wealth na lamang ang isusulong ng House prosecution panel sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte matapos nitong magpasya na bawiin ang tatlo sa apat na articles of impeachment.
Iginiit ni House Prosecutor Rep. Terry Ridon na naging batayan ng kanilang desisyon ang testimonya ni forensic analyst Atty. Alexander Cabrera, na nagtaya na mahigit P800 milyon ang hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.
“Dito na tayo tumutok. Ito po ang ebidensya para patunayan ’yung Article of Impeachment on Unexplained Wealth. We will rise or fall on the basis of unexplained wealth,” pahayag ni Ridon.
Matatandaang sa ika-39 na araw ng impeachment trial noong Oktubre 13, inihayag ni House Lead Prosecutor Rep. Gerville Luistro ang pag-withdraw sa Articles I, III, at IV ng impeachment complaint laban kay Duterte.
Kabilang sa mga binawi ang Article I na may kaugnayan sa confidential funds, Article III na tumatalakay sa bribery, at Article IV tungkol sa grave threats.
Sa naging hakbang ng prosecution panel, ang Article II o Unexplained Wealth na lamang ang kanilang pagtutuunan ng pansin upang patunayan ang mga alegasyon laban sa bise presidente.












