-- Advertisements --

Nagpahayag ng reaksiyon ang ilang mambabatas matapos ibasura ng piskalya ang reklamong isinampa ni Atty. Mans Carpio laban sa ilang miyembro ng House Committee on Justice.

Kabilang sa nagpahayag si Akbayan Rep. Perci Cendaña at Rep. Terry Ridon na mula pa umano sa simula ay nanindigan na walang sapat na batayan ang reklamong isinampa laban sa mga miyembro ng komite.

Ayon kay Cendaña, bahagi ng constitutional duty ng House Committee on Justice ang pagsusuri sa mga ebidensyang inihaharap sa impeachment proceedings upang matukoy kung may sapat na batayan ang mga alegasyong nakapaloob sa kaso.

“Constitutional duty ng Committee on Justice o (CoJ) ang pagtiyak na may matibay na kaso laban kay VP Sara Duterte at bahagi dito ang pag-usisa sa ebidensya,” pahayag ni Cendaña.

Sa halip na magsampa umano ng mga kaso laban sa mga miyembro ng House Committee on Justice, hinimok ni Cendaña si Duterte na harapin ang impeachment case at sagutin ang mga isyung nakapaloob dito.

Kabilang sa mga nais umanong mabigyang-linaw ang mga alegasyon tungkol sa bilyun-bilyong pisong bank transactions at umano’y tagong yaman ng magasawang si Sara Duterte at Manases Carpio.

“Doon siya sa Impeachment Court magpaliwanag,” giit ni Cendaña.

Samantala, nagpahayag din ng suporta si Rep. Terry Ridon sa naging pagbasura ng reklamo ni Carpio, ayon kay Ridon, tama lamang umano na ibasura ang reklamong inilarawan niyang “malisyoso at walang batayan” laban sa mga House prosecutors at iba pang mambabatas.

“Tunay na papaliit na ang mundo ng mag-asawang Duterte-Carpio. At talagang papunta na tayo sa exciting part,” ani Ridon.