Posibleng umabot sa P1.5 bilyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman nina Vice President Sara Duterte at ng kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2022 hanggang 2025, ayon sa prosecution forensic accounting expert na si Atty. Alexander Cabrera.
Sa ika-38 araw ng impeachment trial nitong Lunes, ipinaliwanag ni Cabrera ang posibleng pinakamataas na halaga matapos itong usisain ni Senate impeachment court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Batay sa pagkukuwenta ni Escudero, aabot sa P463.046 milyon ang natitirang umano’y unexplained wealth kung ibabawas sa P817.87 milyong kabuuang hindi naideklarang yaman ang mga halagang iniuugnay sa GenCorp, Cale88 Foods Corporation, at Metro City Chow Foods.
Gayunman, sinabi ni Cabrera na maaaring umabot sa P1.5 bilyon ang pinakamataas na pagtataya kung isasama ang confidential funds, mga diperensiya sa financial records mula sa AMLC, at mas mataas na pagtataya sa GenCorp.
Nilinaw na ang P1.5 bilyon ay pinakamataas na posibleng pagtataya batay sa mga palagay sa pagkukuwenta, at hindi pinal na konklusyon tungkol sa umano’y yaman ng mag-asawa.
Samantla, si Cabrera na ang huling testigo ng House prosecution para sa Article II ng impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
















