-- Advertisements --

Umaasa si House prosecutor at Manila 3rd District Representative Joel Chua na maibibigay na ng Senate Impeachment Court ang desisyon sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte bago mag-adjourn ang Kongreso sa Disyembre 18.

Ayon kay Chua, nakadepende ang timeline sa pagtatapos ng presentasyon ng mga saksi ng depensa at pagsusumite ng magkabilang panig ng kanilang mga pormal na ebidensiya. Nakatakda sa Disyembre 1 hanggang 4 ang pagpapatuloy ng testimonya ng mga saksi ng depensa, habang Disyembre 9 hanggang 11 naman ang formal offer of evidence.

Inaasahang maghahain pa ang depensa ng anim hanggang pitong saksi sa mga pagdinig sa Disyembre. Posibleng sumunod ang oral arguments at botohan sa linggo matapos ang pagsusumite ng ebidensiya, bagama’t maaari pang magkaroon ng karagdagang proseso.

Samantala, iginiit ni Chua na hindi pa sapat ang naihaharap na ebidensiya ng depensa upang pabulaanan ang mga natuklasan ng prosecution panel hinggil sa umano’y P817.87 milyong hindi naideklarang yaman nina Duterte at ng kaniyang asawang si Manases Carpio.

Itinanggi naman ng kampo ng Bise Presidente ang mga financial findings at kinuwestiyon ang ginamit na pamamaraan sa pagkuwenta ng naturang halaga.