Wala pang napagkakasunduang tiyak na kondisyon ang Pilipinas at Estados Unidos kaugnay ng umano’y kasunduan na sa US kukunin ng bansa ang lahat ng pangangailangan nito sa agrikultura at enerhiya.
Ito ang paglilinaw ng Malacañang kasunod ng pahayag ni US President Donald Trump.
Ayon sa Palasyo, isasaalang-alang lamang ng pamahalaan ang eksklusibong pag-aangkat mula sa Amerika kung makabubuti ito sa mga Pilipino, partikular sa presyo at pagkakaroon ng alternatibong supplier.
Sa pagdinig sa panukalang budget ng Department of Foreign Affairs o DFA sa Senado, sinabi ni Senator Erwin Tulfo na nabigla rin ang mga opisyal ng ahensya sa pahayag ni Trump. Aniya, sa bilateral meeting lamang nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Trump sa sidelines ng ASEAN Summit unang nabanggit ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural at iba pang kalakal mula sa Amerika.
Kinuwestiyon naman ni Senator Imee Marcos kung bakit tila hindi alam ng DFA ang mga naging pag-uusap ng dalawang pangulo. Paliwanag ni Tulfo, pangunahing hahawakan na ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture ang usapin dahil may kinalaman ito sa ekonomiya.
Patuloy namang naghihintay ang DFA ng paglilinaw mula sa mga katapat nitong opisyal sa Amerika. Una nang sinabi ng White House na nangako ang Pilipinas na palalakihin ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural at enerhiya mula sa US upang matugunan ang trade deficit ng Amerika sa bansa.















