Nais ni Sen. Panfilo Lacson na unti-unti nang i-phase out ang Medical Assistance Program (MAP) na dating kilala bilang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).
Ang naturang programa ay isang medical assistance program ng Department of Health (DOH) para sa mga kwalipikadong pasyenteng hindi kayang bayaran ang kanilang gastusin sa pagpapagamot o pagkaka-ospital.
Katwiran ni Sen. Lacson, mas maiging palakasin ng PH government at ganap na ipinatupad ang Universal Health Care (UHC).
Inihalimbawa pa ng batikang senador ang Senate version ng 2027 budget kung saan P16.2 billion ang nakalaan sa MAP habang P1 billion lamang ang inilaan sa UHC fund para sa zero balance billing sa mga ospital ng lokal na pamahalaan.
Paliwanag ni Lacson, habang unti-unti ang pag-phase out sa MAP ay dapat ilipat ang bahagi ng P16.2 billion na pondo ng naturang medical program sa mga assistance center ng Senado at Kamara, bilang bahagi ng transition.
Ipinunto pa ni Lacson na masyadong malaki ang pondong napupunta sa MAP at maaari itong magamit sa political patronage habang kulang ang pondo para sa Universal Health Care.
Sa kasalukuyan, wala pang kasagutan ang DOH sa mungkahi ng batikang senador.














