-- Advertisements --

Iginiit nni Senator-judge Panfilo “Ping” Lacson na hindi lamang si impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero ang nagdesisyon na hindi ma-subpoena si dating Senador Antonio Trillanes iv bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, hindi umano dapat isisi kay Escudero lamang ang hindi pag-iisyu ng subpoena kay Trillanes.

Gayunman, sinabi niyang malalim ang research ng dating senador ngunit maaaring kwestiyunin ang evidentiary value nito dahil sa umano’y kawalan niya ng personal na kaalaman sa ilang alegasyon.

Samantala, sinabi ng impeachment court spokesperson na si Regie Tongol na ang prosecution ang hindi nakapagbigay sa oras ng pangalan ni Trillanes para sa subpoena.

Maaari pa rin umanong humarap si Trillanes bilang voluntary witness.

Sa kanyang press conference, inakusahan ni Trillanes sina VP Sara at Manases “Mans” Carpio ng pagtanggap umano ng daan-daang milyong pisong pondo mula sa China. Itinanggi naman ng kampo ni Vp Sara ang mga alegasyon at sinabing matagal nang naglalabas ng umano’y walang basehang paratang si Trillanes laban sa pamilya Duterte.