Nanawagan si Senator Bong Go sa mga electric cooperative sa Bukidnon at Davao Oriental na pagbutihin ang kanilang serbisyo kasunod ng mga naranasan niyang brownout sa kanyang pagbisita sa dalawang probinsya.
Sa pagdinig ng panukalang 2027 budget ng Department of Energy (DOE), hinimok ni Go ang Davao Oriental Electric Cooperative at Bukidnon Electric Cooperative na tiyakin ang maayos at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente.
Nanawagan din siya sa DOE at National Electrification Administration (NEA) na mahigpit na bantayan ang performance ng mga electric cooperative at kalampagin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang matugunan ang problema sa suplay ng kuryente.
Binigyang-diin ng senador na ang prangkisa ay hindi karapatan kundi isang pribilehiyong may kaakibat na responsibilidad sa mga konsyumer.
Ayon kay Go, hindi lamang mga kabahayan ang naaapektuhan ng brownout kundi pati mga negosyo, turismo at kabuhayan ng mga mamamayan. Hiniling niyang tutukan ng pamahalaan ang problema sa suplay ng kuryente sa buong bansa.














