Nanawagan si Senate Committee on Sports Chairman Sen. Bong Go sa mga stakeholder ng Philippine sports na unahin ang kapakanan ng mga atleta at ilayo ang mga ito sa anumang internal politics upang makapagpokus sa kanilang pagsasanay at mga kompetisyon.
Sa budget hearing para sa sports sector ngayong Miyerkules, hinimok ni Go ang Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), mga National Sports Association (NSA) at iba pang stakeholder na tiyaking natutugunan ang mga pangangailangan ng mga atletang Pilipino.
Ayon kay Go, dapat nakasentro ang atensyon ng mga atleta sa kanilang paglalaro sa halip na mag-alala kung saan kukuha ng pambili ng pagkain, kagamitan at iba pang gastusin sa training.
Binigyang-diin din ng senador na dapat magtulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang matustusan ang pangangailangan ng mga national athlete, kabilang ang kanilang allowances at pagsasanay.
Hiniling din ni Go sa mga opisyal ng sports sector na ayusin sa lalong madaling panahon ang mga usaping panloob na maaaring makaapekto sa paghahanda at pagganap ng mga atleta.
Giit ni Go, dapat matiyak na hindi na kailangang gumastos mula sa sariling bulsa o magmakaawa pa ang mga atleta para lamang matustusan ang kanilang training at iba pang pangangailangan.














