-- Advertisements --

Tiniyak ni Senate Committee on Sports Chairman Sen. Bong Go ang patuloy na pagsuporta sa mga atletang Pilipino, kasabay ng pagkilala sa kanilang ambag sa pagdadala ng karangalan sa bansa sa mga international competition.

Sa budget hearing para sa sektor ng sports ngayong Miyerkules, binigyang-diin ni Go na mahalagang mabigyan ng sapat na suporta ang mga atleta hindi lamang kapag nakakukuha sila ng medalya, kundi maging sa panahon ng kanilang pagsasanay at paghahanda para sa mga kompetisyon.

Ayon sa senador, dapat matiyak na natutugunan ang pangangailangan ng mga atleta, kabilang ang kanilang training, allowances at pamasahe, upang hindi na nila kailangang mangutang para matustusan ang kanilang paghahanda.

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng sports sa paghubog ng disiplina, tiyaga at teamwork ng kabataan, gayundin sa paghikayat sa mga ito na umiwas sa ilegal na droga at iba pang bisyo.

Kasabay nito, pinuri ng senador ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagsuporta sa mga atletang lumahok sa iba’t ibang kompetisyon, kabilang ang katatapos na 2026 Asian Games.

Hiniling din niya ang pagbigay ng buong suporta sa mga atletang Pilipino na sasabak sa 5th Asian Para Games sa Oktubre 18 hanggang 24.

Iginiit din ni Go ang pantay na insentibo para sa mga para-athlete na nagwawagi ng medalya, bilang pagkilala sa karangalang naiaambag nila sa bansa.

Aniya, dapat maramdaman ng mga atleta ang suporta ng pamahalaan kahit nasa proseso pa lamang sila ng paghahanda, at hindi lamang kapag nakapagtala na sila ng tagumpay sa international competitions.