-- Advertisements --

Hinimok ni Sen. Christopher “Bong” Go ang mga sports organization na tiyaking hindi nagdurusa ang mga pambansang atleta dahil sa alitan sa pamunuan, problema sa pamamahala at kakulangan sa pondo, at iginiit na dapat manatiling prayoridad ang kanilang kapakanan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Sports hinggil sa naging partisipasyon ng Pillipinas sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan, nanawagan si Go bilang chairman ng komite an huwag idamay ang mga atleta sa tinawag na “sports politics” na aniya’y sa kaniyanng pag-aakala sa mundo lang ng pulitka nagaganap.  

Binigyang-diin ng senador na hindi dapat maapektuhan ng pulitika ang mga atletang nagsasanay at lumalaban para sa bansa, anuman ang hindi pagkakaunawaan o problemang kinakaharap ng kanilang mga organisasyon.

Naging bahagi ng pagdinig ang mga reklamo tungkol sa pagkaantala ng allowance ng mga miyembro ng pambansang volleyball team at ang paggamit nila ng sariling pera para matustusan ang kanilang pangangailangan habang naghahanda sa mga kompetisyon.

Binanggit ni Go ang mga karanasang ibinahagi nina Alas Pilipinas men’s team captain Bryan Bagunas at Josh Ybañez, kabilang ang mga ulat na may mga atletang nangungutang para sa pamasahe patungo sa ensayo at sariling pera ang ginagamit sa pagkain.

Sa pagdinig, kinilala ng mga opisyal ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) na hindi pa naibibigay ang allowance ng mga miyembro ng national team mula pa noong Hulyo, bunsod ng mga suliranin sa pondo at mga problemang kinakaharap ng pederasyon.

Pinuna rin niya ang pagbibigay-pansin sa mga atleta kapag nagkakamit na ang mga ito ng tagumpay, samantalang kulang umano ang malasakit sa kanila habang nagsasanay at naghahanda.

Hiniling ni Go sa Philippine Sports Commission (PSC), bilang sangay ng pamahalaang nagpapatupad ng mga programa sa sports, na mamagitan kapag ang mga alitan ng sports organization ay nanganganib na makaapekto sa kapakanan at moral ng mga atleta.

Iminungkahi rin niyang gumanap ang komisyon bilang taga pagbantay upang matulungan ang mga organisasyon na lutasin ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan sa halip na madamay ang mga atleta.

Ayon kay Go, kailangan ding magkaroon ng mga mekanismo ang pamahalaan upang matiyak na tuloy ang suporta sa mga pambansang atleta kahit may problema sa pamamahala o administrasyon ang kanilang kinabibilangang national sports association (NSA).

Tiniyak niya na handang magbigay ang Senado ng suporta sa pamamagitan ng batas at pondo, ngunit inaasahan din niyang tutuparin ng mga sports institution ang kanilang mga responsibilidad sa mga atleta.

Binigyang-diin ni Go na dapat makapagpokus ang mga atleta sa pagsasanay, pagpapagaling at kompetisyon sa halip na mag-alala kung saan kukuha ng pamasahe, pagkain, panggastos sa pagpapagamot at pondo para sa international exposure.