-- Advertisements --

Target makumpleto sa 2027 ang regional sports training center sa Ilocos Norte na ilang taon nang naaantala ang konstruksyon.

Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio sa budget hearing para sa sports sector ngayong Miyerkules, kasalukuyan nang ipinagpapatuloy ang konstruksyon ng naturang pasilidad sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Inilahad ni Gregorio na naantala nang humigit-kumulang apat na taon ang proyekto, na mahalaga sana sa pagpapalakas ng sports development sa mga rehiyon.

Layunin ng regional training center na mabigyan ang mga atletang mula sa mga probinsya ng angkop na pasilidad para sa kanilang pagsasanay, nang hindi na kailangang dalhin pa sila sa Metro Manila.

Binigyang-diin ng PSC ang kahalagahan ng naturang pasilidad sa pagpapalawak ng oportunidad para sa mga batang atleta na mapaunlad ang kanilang kakayahan sa kani-kanilang rehiyon.