-- Advertisements --

Itinutulak ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mas malawak na pagpasok ng Olympic sports sa mga lokal na athletic meet ng bansa.

Kasabay ng pagbubukas ng ika-32 National Capital Region Athletic Association (NCRAA), hinimok ni PSC Chairman Patrick Gregorio ang mga organizer at atleta na isama at pagtuunan ng pansin ang mga Olympic sports upang mas maraming kabataang Pilipino ang mahikayat na subukan ang mga ito.

Ayon kay Gregorio, nagsisimula sa mga lokal na paligsahan ang pagkakadiskubre ng talento ng mga atleta, at mas lalaki ang interes ng publiko kung makikita ang mga Olympic sports sa mga lokal na torneo.

Dagdag pa niya, nakahanda ang PSC na tumulong sa paghahanap at pagsasanay ng mga atletang Pinoy na may potensyal na makapag-uwi ng gintong medalya sa Olympics, lalo na sa Los Angeles 2028 at Brisbane 2032 Games.

Nagpahayag ng suporta si NCRAA General Manager Buddy Encarnado at tiniyak ang kahandaan ng liga na sundin ang panawagan ng PSC.

Posibleng magsilbing hudyat ito ng mas malawak na saklaw ng NCRAA, na dati’y nakatuon lamang sa basketball, volleyball, cheerleading, futsal, table tennis, at badminton.

Sa kasalukuyan, nakikita ng PSC ang lumalaking interes ng kabataan sa athletics, swimming, at combat sports gaya ng taekwondo at judo, na pawang bahagi ng Olympic program.

Layunin ng komisyon na palakasin ang grassroots development upang makapaghanda ang bansa ng mas maraming world-class athletes na kayang makipagsabayan sa pinakamalaking sports tournament sa buong mundo.